Manuel Luis Quezon

(19 Agosto 1878–1 Agosto 1944)

Si Manuel Luis Quezon (Man·wél Lu·wís Ké·zon) ang unang pangulo ng pamahalaang Komonwelt at itinuturing na “Ama ng Wikang Pambansa” dahil sa pagpapahayag niya sa Tagalog bílang batayan ng Wikang Pambansa. Siyá ang unang pangulong Filipino na nagtira sa Malacañang at nanungkulan hábang nása Estados Unidos dahil sa Pananakop ng mga Japanese noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Isinilang si Quezon noong 19 Agosto 1878 kina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina sa Baler, Tayabas (Aurora ngayon). Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Americano, sumapi siyá at naging medyor sa hukbo ni Heneral Tomas Mascardo. Bumalik siyá sa pag-aaral pagkatapos ng digmaan at nagtapos ng abogasya. Naglingkod muna siyáng piskal bago kumandidato’t nagwaging gobernador ng lalawigan ng Tayabas. Ikinasal siyá sa kaniyang pinsang si Aurora Aragon Quezon. Nagbitiw siyáng gobernador nang magkaroon ng eleksiyon para sa Asamblea ng Filipinas. Nagwagi siyá at naging majority floor leader. Si Sergio Osmeña ang naging ispiker ng kapulungan, at ito ang simula ng pagsasáma’t pagtutunggali sa politika nina Quezon at Osmeña.

Naging resident commissioner siyá sa Kongreso ng Estados Unidos at itinuturing na tagumpay niya ang pagpapatibay sa Batas Jones. Ipinanga-ngako ng batas ang dagliang pagbibigay ng kasarinlan ng Filipinas. Nagpatuloy siyá sa paglalakad ng kasarinlan hanggang mapagtibay ang Batas Tydings-McDuffie na nagtatadhana ng pansamantalang pamahalaang Komonwelt. Nahalal siyáng pangulo ng Komonwelt noong 1935. Inilíkas ang pamahalaan sa Estados Unidos sa buong panahon ng Pananakop ng mga Japanese at doon namatay si Quezon noong 1 Agosto 1944.

Dahil sa mga ginawa niya para sa mga mahirap sa lipunan, tinawag si Quezon na “Ama ng Katarungang Panlipunan.” Itinaguyod naman niya sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal ang isang Wikang Pambansa batay sa isang katutubong wika at pinagtibay ang batas na nagtatatag sa National Language Institute na nagsuri at nagpasiya sa Tagalog bílang batayan ng Wikang Pambansa, kayâ tinawag siyáng “Ama ng Pambansang Wika.” Kaugnay nitó, ang pagdiriwang ng Araw ng Wikang Pambansa ay itinapat sa kaniyang kaarawan tuwing Agosto 19. (VSA)

Cite this article as: Quezon, Manuel Luis. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/quezon-manuel-luis/