putaktí
Ang putaktí (pamilyang Vespidae) ay kulisap na payat ang katawan, kakaunti ang balahibo kaysa bubuyog, at masakit mangagat. Maaari itong kasáma sa isang kolonya (tulad ng species mula sa subpamilyang Polistinae at Vespinae) o kayâ nag-iisa (tulad ng species mula sa Eumeninae, Euparagiinae, at Masarinae). Ang mga kolonya ay mayroong reyna at mga manggagawang babaeng putakti na hindi fertil at karaniwang nagtatagal lamang ng isang taon. Nagkakaroon ng mga bagong reyna at lalaking putakti sa pagtatapos ng tag-init. Pagkatapos magtalik, ang reyna ay matutulog sa panahon ng taglamig.
Ang pugad nitó ay karaniwang gawa sa putik at ilang bahagi ng halaman. Una itong binubuo ng reyna hanggang maging sinlaki ng nuwes at pagkaraan ay ipagpapatuloy na ng mga babaeng putakti hanggang sa maging sinlaki na ito ng bola. Binubuo ng libo-libong putakti ang isang kolonya. Nililikha ang pugad sa isang maaraw na lugar sa lungga sa lupa, malapit sa ilog o punso, sa gilid ng ding-ding, punongkahoy, o ilalim ng mga bahay.
Mahalaga ang kulisap na ito sa polinasyon ng mga hala-man at nakatutulong din sa pagkontrol ng ilang species ng peste. Karaniwang parasitiko ang mga uod na ipinupunla ng tigulang na putakti sa katawan ng isang host. Malaking bahagi ng nutrisyon ng tigulang ang nektar at nagiging manlulupig ito na pinaparalisa ang ibang insekto upang ipakain sa mga uod o kayâ ay nagnanakaw ng pulút sa mga pukyot. (KLL)