Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

púnay

Ang púnay ay isang uri ng ilahas na kalapati sa Filipinas. Sa ngayon, apat na species nitó ang tinatawag na púnay, ang Pulinopus marchei, Pulinopus merrilli, Pulinopus occipitalis, at Pulinopus lenclancheri. Karaniwan sa lahat ang púnay na Pulinopus occipitalis na kulay lungtian ang mga bagwis at buntot ngunit may puláng batik sa mag kabilâng tagiliran ng ulo at ilalilm ng tiyan at dilaw na babà at leeg. Tinatawag itong yellow-breasted fruit dove sa Ingles at tinatawag ding “taubong” sa ilang pook. Ang Pulinopus lenclancheri o black-chinned fruit dove ay may abuhing dibdib na maitim sa bandang tiyan.

Ang Pulinopus merrilli o cream-bellied fruit dove ay medyo lungtian ang kalahating pang-itaas ng dibdib at mating-kad na krema ang pang-ibabâng bahagi hanggang tiyan. Tinatawag din itong “merilay.” Pawang nanaig ang kulay lungtian sa mga pakpak at buntot ng tatlo ngunit ang Pulinopus marchei o flame-breasted fruit dove, na pinakamalaki rin sa lahat, ay itim na may bahid na lungtian ang mga bagwis at buntot. Katangi-tangi din ito dahil sa pu-láng tuktok, at sa putîng dibdib na may malaking patseng kulay kahel.

Matatagpuan ang apat na uri ng púnay sa lahat ng magubat na pook ng bansa. Nanginginain mga ito ng prutas. Ang occipitalis ay karaniwang makikitang lumilipad nang kawan. Ang lenclancheri ay bibihira ngunit marami sa pulô ng Batan. (MLM)

 

Cite this article as: púnay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/punay/