Pulísya
Ang pulísya ay organisadong puwersang sibil para sa pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan, at pagpapatupad ng batas. Mula ito sa salitang Latin na politia at Griego na politeia na nangangahulugang “pagkamamamayan, administrasyong sibil.”
Sa sinaunang lipunang Grecia, ang mga alipin ang nagsilbing pulis ng mga pampublikong pulong upang panatilihin ang kaayusan at kontrolin ang mga tao. Sa Imperyong Romano, ang Hukbo ng Imperyo ang nagbibigay ng seguridad. Sa Europa, naging modelo ng pulisya ang hermandades o“kapatiran,” isang samahan ng mga armadong indibiduwal para sa pagpapanatili ng katahimikan sa iba’t ibang munisipyo.
Dinala ng pamahalaang kolonyal ng España sa Filipinas ang guwardiya sibil noong 1868 sa ilalim ng pamumunò ni Governor General Carlos Maria de la Torre. Nagkaroon ito ng tatlong dibisyon—dalawa ang nakadestino sa Luzon at isa sa Kabisayaan. May kapangyarihan ang mga guwardiya sibil na magbigay ng parusa sa mga paglabag sa batas at ordinansang lokal. Maaari niláng dakipan ang isang tao kahit batay lámang sa suspetsa. Hindi ipinagbawal ng España ang paggamit ng mga ito ng tortyur sa pagsisiyasat. Maaari rin siláng pumatay ng akusado nang hindi idinadaan sa isang paglilitis.
Sa panahon ng kolonyalismong Americano, napalitan ang guwardiya sibil ng Philippine Constabulary (PC). Sa bisà ng Act No 175 ng Philippine Commission noong Agosto 1901, naitatag ang PC na naglalayong panatilihin ang kapayapaan, kaayusan, at ipatupad ang batas sa Filipinas. Tumulong ito sa militar ng Estados Unidos sa pagsugpo sa mga natitirang rebolusyonaryo at sa pasipikasyon ng kapuluan. Aktibo ito mula 1901 hanggang1991. Sa bisa ng Republic Act No. 6975 noong Disyembre1990, pinagsama ang PC at Integrated National Police at nalikha ang ngayong Philippine National Police (PNP).
Layon nitóng ipatupad ang batas, pigilin at kontrolin ang mga krimen, panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, at siguraduhin ang kaligtasang pampubliko at internal na seguridad na may suporta mula sa komunidad. (KLL)