pukyót
Ang pukyót o Apis mellifera ay isang kulisap na nag-iipon ng pulút. Mula ito sa salitâng Latin na apis na nangangahulugang “bubuyog,” melli-na “pulut pukyutan,” at ferre na “magdala.” Ginagawa at iniimbak ng mga ito ang pulut pukyutan sa bahay na tinatawag na “panilan” at gawa sa pagkit.
Naninirahan ang pukyot sa isang kolonya na bi-nubuo ng isang reyna o inahing bubuyog, libong lalaking bubuyog, at libong manggaganwang bubuyog o mga babaeng bubuyog na walang ka-kayahang manganak. Itinatatag ng mga kawan ng bubuyog na binubuo ng fertilisadong inahin at maraming manggagawang bubuyog ang isang bagong kolonya. Lumilipat ang mga ito nang sabay-sabay sa magiging pugad na minanmanan at tiniyak na ng mga manggagawang bubuyog ang kainaman para sa kolonya. Inilalagay ng mga manggagawang bubuyog ang mga itlog sa bawat partisyon ng panilan. Ang mga ito rin ang naglilinis ng bahay-pukyutan, nagpapakain ng mga uod, at naghahanap ng pagkain para sa kolonya. Gumagamit ito ng isang tila sayaw upang ibahagi ang impormasyon hinggil sa mapagkukuhanan ng pagkain. Dahil sa pagbisita sa iba’t ibang bulaklak, ginagamit sa komersiyal at malawakang po-linasyon at produksiyon ng pulut pukyutan ang A. mellifera.
Sa Filipinas, matatagpuan ang species na Apis nigrocincta at Apis cerana. Inaalagaan at ginagamit din sa produksiyon ng lokal na pukyot ang imported species na A. mellifera. Partikular ang A. cerena na halos katulad din ng A. mellifera; mas maliit nga lang ito, hindi gaanong agresibo, bihira ang ugal-ing lumipad bilang isang kawan, ngunit maaaring tumira sa mga panilang gawa ng tao kayâ mas madali para sa apikultura o pag-aalaga ng mga bubuyog. Tinatawag ding “anilan” o “laywan” ang mga pukyot. (KLL)