pugíta

Ang pugíta ay lamandagat mula sa ordeng Octopoda na may malaking ulo, walong galamay na may mga pang-hakab, dalawang matá, at walang buto. May simetriya itong bilateral. Ang parang bibig nitó ay matatagpuan sa sentro ng mga galamay. May tatlong puso ito at kulay bughaw ang dugo dahil naglalaman ng hemocyanin, isang protinang mayaman sa copper. Matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng karagatan mula sa mga tangrib hanggang sa malalalim na bahagi ng tubigan.

May species ng pugita na nabubuhay nang anim na buwan lámang at mayroon din namang tumatagal nang limáng taón. Nagiging sanhi din ng kanilang kamatayan ang pan-ganganak at pagpaparami—ang mga lalaking pugita ay nabubuhay na lámang ng ilang buwan matapos ang pakikip-agtalik hábang ang mga babaeng pugita naman ay namamatay pagkaraang mapisâ ang mga itlog nito. Hindi ito kumakain nang isang buwan hábang binabantayan at inaalagaan ang itlog, at kayâ namamatay sa gutom ang babaeng pugita.

Marami itong taktika upang ipagtanggol ang sarili. Pagtatago ang pangunahing depensa nitó at iba’t iba ang depensa oras na matuklasan ng kalaban, gaya ng mabilis na paglangoy palayô, pagbabalatkayo, autotomiya o kusang pagtatanggal ng mga galamay, at pagpulandit ng itim na likido. Itim ang tinta ng pugita dahil nagtataglay ito ng melanin. Ang ulap ng maitim na tinta ay pinaniniwalaang nakapagpapabagal ng sistema ng pang-amoy ng mga kala-ban at tabing para makatakas.

Ilan sa mga species na matatagpuan sa Filipinas ay Octopus abaculus, Octopus aegina, Octopus aculeatus, Octopus luteus, Octopus nocturnus, Octopus pumilus, Octopus cyanea, Octopus marginatus, Hapalochlaena maculosa, at Cistopus indicus. (KLL)

 

Cite this article as: pugíta. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pugita/