Puente Grande de España
Ang Puente Grande de España (Pu·wénte Grán·de de Es·pán·ya) ang unang malaking tulay na ipinatayô ng pamahalaang Español sa Filipinas. Ito rin ang una at matagal na kaisa-isang tulay patawid sa Ilog Pasig. Pinagdudugtong nitó ang mga pampang ng Plasa San Gabriel, Kalye Rosario sa hilaga at ng Plasa Arroceros, Intramuros sa timog. Niyari ang tulay sa loob ng 1629 at 1630 bagaman may nagsasabing 1626–1632. Bago ito, sumasakay ng bangka upang tumawid sa Ilog Pasig. Tinutulan ito ng cabildo, ang pamahalaang lungsod, dahil mawawala ang kita sa mga bangkang pantawid. Pinangasiwaan ang pagtatayô ng mga Rekoletong Agustino.
Inilarawan ang tulay na may 10 ispan at nakasandig sa siyam na piyer na granito at kahoy ang ibabaw. Pinuri din ito sa kariktang bagay na bagay sa tanawin ng siyudad noon. Nakaligtas ito sa malalakas na lindol ng 1645 at1663 ngunit napinsala nang malaki noong ika-18 siglo. Ulit-ulit itong napinsala at kinompone. Noong 1814, nangasiwa sa pagkompone ng tulay si Don Domingo Ildefonso de Aragon, ang pangunahing inhinyero noon. Pinalakas niya ang mga piyer sa pamamagitan ng mga hiniwang bato at pinagdugtong-dugtong sa pamamagitan ng mga batong ispan. Nawalan ito ng silbi dahil sa lindol ng 1863. Isang pansamantalang tulay na pontoon ang ginawa hábang tinatapos ang ipinalit at higit na matibay na Puente de España na natapos noong 1875. (VSA)