Puente de Santa Cruz
Ang Puente de Santa Cruz (Pu·wén·te de San·tá Kruz) ay ikalima sa mga tulay na ipinagawa ng mga Español patawid sa Ilog Pasig. Idinisenyo ito ni Carlos de las Heras upang pag-ugnayin ang Plasa Arroceros sa timog at ang mga Plasa Goiti at Plasa Santa Curz sa hilaga. Iniutos ang paggawa sa Puente de Santa Cruz dahil sa bumibigat na trapiko ng mga tumatawid sa ilog. Hindi ito natapos sa panahon ng Español ngunit ipinagpatuloy sa panahon ng Americano. Ang tulay ay may nakasuportang dagdag na truss sa panggitnang linya kayâ higit na naging maluwang ang estruktura nitó at nakapagdadalá ng higit na mabigat na trapiko.
Tulad ng maraming tulay sa Ilog Pasig, nawasak ang Puente de Santa Cruz sa panahon ng Liberation ng Maynila. Naitayô ang tulay noong bandang 1950 at ginawang isang modernong tulay na flat deck. Higit itong kilala ngayon sa pangalang Tulay McArthur. (VSA)