Puente de España
Ang Puente de España (Pu·wénte de Es·pán·ya) ang ikatlong malaking tulay patawid sa Ilog Pasig na gawa ng mga Español. Ito ang ipinalit sa Puente Grande de España. Nabalam nang matagal ang pagyari sa tulay dahil sa operasyon ng isang pribadong tulay, ang Puente de Colgante, na nása malapit lámang. Sinimulan ang pagtatayô ng Puente de España noong1868 at nabuksan noong 1 Hunyo 1875. May walong ispan o arko ang tulay na yari sa bato at dalawa sa mga ito, ang dalawang panggitna, ang yari sa bakal (cast iron) mulang Pransiya. Halos iniagapay ang bagong tulay sa hinalinhan nitó bagaman bumagsak ang dulong hilaga sa Kalye Nueva sa halip na Plasa San Gabriel.
Maluwang ang tulay, may kakayahang magtawid ng mga tao at sasakyan (na binubuo noon ng mga kariton, kalesa, at karwahe) kasáma ang bagong sistemang tranvia. Pinuri ito kahit ni Rizal na isang tagapagmalaki diumano ng bagong teknolohiya mulang Europa. Nagsilbi ang Puente de España hanggang ipalit noong 1920 ang William A. Jones Memorial Bridge (Tulay Jones ngayon) na ginawa ni arkitektong Juan Arellano. Ganap na naiagapay ng ginawa ni Arellano ang Tulay Jones sa lumang kinalagyan ng Puente Grande de España sa pamamagitan ng pagbalik ng panghilagang paa nitó sa Plasa San Gabriel. Unti-unting isinara ang Puente de España at sakâ winasak. (VSA)