Puente de la Convalecencia
Ang Puente de la Convalecencia (Pu·wente de la Kon·va·le·sen·sí·ya) ang ikatlong tulay na ipinatayô ng gobyernong Español patawid ng Ilog Pasig ngunit pangapat kung ibibilang ang ikatlo ngunit pribadong Puente Colgante. Orihinal na binubuo ito ng dalawang ispan o arko na pinagdudugtong ng Isla de la Convalecencia, na pook noon ng Hospicio de San Jose—isang popular noong bahay-ampunan. Ang bahagi ng tulay sa ibabaw ng isla ay gawa sa kahoy at tinatawag na Bow String trusses. Natapos ito noong 1880 ngunit nagkaroon ng malaking pinsala at ganap na bumagsak pagkaraan ng sampung taón. Pinalitan ng bakal na trusses ang tulay sa hulíng dekada ng ika-19 siglo. Bagaman hindi nakagugulat ang disenyo ng tulay, makabuluhan ito sa kasaysayan dahil ito ang kaisa-isang tulay sa Filipinas na idinisenyo ng bantog na inhinyerong si Gustave Eiffel.
Nang bumagsak ang Puente de la Convalecencia noong1890, nagtayô ang gobyerno ng ibang tulay sa pagitan ng Puente Colgante at Puente de España at nag-uugnay sa Plasa Arroceros at Plasa Goiti. Ang tulay na tatawaging Puente de Santa Cruz, at muling papangalang Tulay McArthur, ay hindi natapos sa panahon ng mga Español. Samantala, ang Puente de Convalecencia ay muling ipinagawa sa panahon ng Americano, nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at muling ipinagawa sa bagong pangalang Tulay Ayala. (VSA)