Puente Colgante
Ang Puente Colgante (Pu·wén·te Kol·gán·te), tinawag ding Puente de Claveria sa karangalan ni Gobernador Narciso de Claveria, ang ikatlong tulay patawid ng Ilog Pasig na nilikha ng mga Español. Isa itong “nakabiting tulay” (suspension bridge), isang marikit na piraso ng inhinyeriya sa panahong nais matampok ang Filipinas bilang “Paris ng Oryente.” Itinayô ito noong 1852 ng Matias Menchacatorre y Cia, isang pribadong kompanya, at ipinagmamalaking unang nakabiting tulay hindi lámang sa Filipinas kundi maging sa buong Timog-Silangang Asia.
Ang tulay ay may lapad na pitong metro at ispan na umaabot sa 11 metro. May dalawang kongkretong tore sa magkabilang pampang na humahawak sa mga suspendidong kable. Nakabitin ang palataporma ng tulay sa mga kable at may mga aserong barandilya sa magkabilâng tagiliran ng tulay at mga bakal na poste ng ilaw. Pangunahing silbi ng tulay ang pagtawid ng mga tao at mga kalesa sa pagitan ng Plasa Arroceros at ng Quiapo.
May bayad o toll fee ang pagtawid sa tulay. May panahong ang Puente Colgante ang tanging tulay ng Ilog Pasig hábang hindi pa nabubuksan ang Puente de España. Nagsilbi naman ito hanggang noong 1920 nang gawin ang bagong Tulay Quiapo, na naging Tulay Quezon, at pumalit sa winasak na nakabiting tulay. (VSA)