Prinsipálya

Prinsipálya (principalia) ang tawag sa grupo ng mayayaman at makapangyarihan sa mga bayan noong panahon ng Español. Sinasabing ang prinsipalya ay mula sa angkan ng mga datu at ng kanilang mga pamilya na naging tagapagpalaganap ng mga patakaran ng mga Español kapalit ng mga pribilehiyo. Ang mga kasapi ng nasabing grupo ay tinatawag na principal o pangunahing mamamayan ng bayan. Mula lamang sa nasabing grupo napipili o naihahalal ang mga gobernadorsilyo, kabesa de barangay, tenyente mayor, juez de policia, juez de sementeras o tagapangalaga ng pampublikong lupain, taniman at hayop, at mga mahistrado, guro, kuwadrilyero, sarhento, at kapitan.

Ang pagkakaroon ng monopolyo ng prinsipalya sa lahat ng matataas na posisyon sa mga bayan noong panahong iyon ang maaaring pinagmulan ng kasalukuyang sistema ng patuloy na paghawak ng matataas na tungkuling pampolitika ng iilang pamilya. Kasabay nito, maaari ding ang karanasan ng prinsipalya sa pagpapatakbo ng kanilang mga pamayanan ang nagpalaganap ng mga konsepto at gawaing pampolitika gaya ng pagmamana ng posisyon at paghahalinhinan ng ilang opisyal sa mga katungkulan na siya ring maoobserbahan sa kontemporaneong lipunang Filipino. (MBL)

Cite this article as: Prinsipalya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/prinsipalya/