Pascual H. Poblete
(17 Mayo 1857–5 Pebrero 1921)
Isang pangunahin at napakasipag na peryodista, makata, at tagasalin si Pascual H. Poblete (Pas·kwál Pob·lé·te) at aktibo mulang panahon ng Kilusang Propaganda hanggang panahon ng Americano. Nagsulat siya sa Español at sa Tagalog at naging tagasalin sa dalawang wika.
Ipinanganak si Pascual H. Pascual noong 17 Mayo1857 sa Naic, Cavite. Sina Francisco Hicaro at Maria Poblete ang kaniyang magulang ngunit ginamit niya ang apelyido ng kaniyang ina para maging apelyido niya. Nang matapos makapagaral sa Liceo de Manila, nagaprendis siyáng peryodista sa La Ocenia Española. Sampung taón siyáng naglalathala ng sanaysay at kolum sa naturang diyaryo. Noong 1882, tinanggap niya ang anyaya ni Marcelo H. del Pilar na maging patnugot ng seksiyong Tagalog ng Diariong Tagalog. Noong 1 Setyembre 1888, itinayô niya at pinamatnugutan ang Revista Popular de Filipinas. Naging editor at tagasalin din siyá ng Revista Catolica de Filipinas mulang 14 Oktubre 1888 bukod sa ipinundar ang Patnubay ng Catolico. Noong 1 Hulyo 1890, inilathala niya ang El Resumen, isang pahayagang liberal at tumalakay ng mga repormang panlipunan at pampolitika. Sinundan ito ng El Bello Sexo noong Enero1891. Naging katulong na editor siyá ng Ang Pliegong Tagalog noong 1896. Dahil sa naturang mga aktibidad, dinakip siyá pagsiklab ng Himagsikang 1896 at idinestiyero sa España at sa Africa.
Pagbalik noong 1899, ipinagpatuloy niya ang pagsusulat bukod sa hayagang gawaing pampolitika. Itinatag niya ang El Grito del Pueblo at ang Ang Kapatid ng Bayan, na naging pahayagan ng Partido Nacionalista at nabuhay noong1899 hanggang 1907. Noong 1909, isinalin niya ang Noli me tangere, ang unang salin ng nobela ni Rizal sa Tagalog. Isinalin din niya ang Conde ng Monte Cristo, at ang ibang mga akda ni Rizal. Sinulat din niya ang dulàng El Amor Patrio na ipinatigil ng mga Americano, ang nakatutuwang tulang pasalaysay na Ang Caguilaguilalas na Buhay ni Juan Soldado, at ang awit na ang Buhay ni San Vicente Ferrer. Kasáma sina Isabelo de los Reyes at Gregorio Aglipay, itinatag nilá ang Iglesia Filipina Independiente at isinulat ang tinatawag ngayong Pasyong Poblete. Namatay siyá sa atake sa puso sa Maynila noong 5 Pebrero 1921. (SJ)