Poblasyón
Ang poblasyón (mula sa Español na poblacion) ay pook na sentrong pampolitika at pangkabuhayan ng isang bayan. Tinatawag din itong “kabayanan” o downtown sa Ingles. Sa kasaysayan ng Filipinas, sa poblasyon itinatag ng mga Español ang luklukan ng kanilang pamamahala. (Nangangahulugang“bayan” o “populasyon” ang poblacion sa wikang Español.) Karaniwang nakasentro ang poblasyon sa plaza, na pinaliligiran ng simbahan, munisipyo, pamilihang bayan, at paaralan.
Sa kasalukuyan, napanatili sa maraming bayan, maliit man o lungsod, ang mga poblasyon. Kadalasan itong tumutukoy sa sentral at pinakamatandang barangay o mga barangay ng isang bayan. Bukod sa munisipyo at simbahan, matatagpuan din sa paligid ng plaza o pambayang liwasan ang himpilan ng pulisya, mga sangay ng pamahalaan, at mga makasaysayang gusali. Itinatampok din ang bantayog o mga bantayog ng mga pambansa at lokal na bayani. Hindi nawawala ang estatwa ni Jose Rizal sa mga poblasyon ng bansa, at may kani-kaniyang rendisyon at sining ang rebulto ng bawat bayan.
Bukod sa pagiging pasyalan, ginagawa ring tanghalan at pook para sa mga okasyong pampalakasan, pangkultura, o pampolitika ang mga plaza. Ang poblasyon rin ang nagsisilbing puso ng marami sa mga tanyag na pista ng Filipinas, tulad ng Ati-atihan sa Kalibo, Aklan. Marami sa mga pamilyang may bahay sa paligid ng plaza ang mga mariwasa at prominenteng angkan ng bayang iyon. Sa Maynila, maituturing na poblasyon ang Intramuros (ang orihinal na siyudad ng Maynila) at ang mga karatig na distrito ng Ermita, Malate, at Paco. (PKJ)