Plebisito

Ang plebisíto ay botohan o pagpapasiya ng taumbayan hinggil sa anumang suliraning iniharap sa kanila ng mga mayhawak ng kapangyarihan. Kilalá rin ito bilang referendum. Kaiba ito sa halalan na naglalayong iboto at italaga ang mga tao sa mga posisyon sa pamahalaan. Sa plebisito, maaaring maghain ng mga isyu na pag-uusapan o kayâ magbotohan hinggil sa sa pagdedesisyon sa mga tanong pampatakaran.

Mula ito sa wikang Latino na plebis na nangangahulugang‘tao’ at scitum na nangangahulugang ‘dekreto’ o kautusan. Ang plebiscita ay isa ring dekreto ng Concilium Plebis, isang asembleang popular ng Republikang Romano noong 500 BC.

Naging mahalagang katangian ng Batas Militar sa Filipinas ang pagganap ng plebisito. Ang mga ito ay sinasabing mayroong anyo ng partisipasyon ng mga mamamayan na hindi nailalagay sa panganib ang administrasyon noon ni Ferdinand Marcos at naging susi ng pagkakaroon ng lehitimidad ng kaniyang rehimen. Sa unang limang taón ng Batas Militar na ipinatupad noong 1972, ang mga desisyong politikal ay isinasagawa sa pamamagitan ng dekreto ng Pangulo na batay sa mga plebisito. Ang mga plebisito ang naging alternatibong paraan sa paggawa ng mga desisyon mula nang buwagin ang Kongreso ng bansa.

Noong Enero 1973, nagpatawag si Marcos ng plebisito na magpapatupad ng Konstitusyong1973. Matapos ito, naglabas siyá ng Proklamasyon Blg. 1102 na nagsasaad na 95% ng mga mamamayan ang pabor sa Konstitusyong 1973. Noong Hulyo 1973, nagkaroon muli ng plebisito hinggil sa pagpapahabà ng kaniyang termino. Diumano’y 90% ang bumoto sa kaniyang pagpapahabà ng termino. Napalitaw sa plebisito na malakas ang suporta ng taumbayan kay Marcos. (KLL)

Cite this article as: Plebisito. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/plebisito/