Plaza Moriones
Ang Pláza Moriones (mor·yó·nes) ay isang liwasan sa Tondo, Lungsod Maynila. Kakaiba ito sa kadalasan ay malalapad at hugis-parisukat na liwasan sa Maynila, sapagkat isa itong pahabang parke sa gitna ng Kalye Moriones. Nagsisimula ito sa sabang ng mga lansangang Moriones at Juan Luna, at nagtatapos sa sabang ng mga lansangang Moriones at Santa Maria. Tumatawid sa gitna ng plaza ang Kalye Nicolas Zamora. Kasama nitó ang Plaza Miranda bilang mahahalagang liwasan ng Maynila at pinangyayarihan ng mga pagtitipon at okasyong politikal.
Noong 1Mayo 1903, ilang libong kasapi ng Unión Obrera Democrática Filipina sa pamumunò ni Isabelo de los Reyes ang nagdaos ng unang pagdiriwang ng Labor Day sa Filipinas, at nagmartsa ang mga obrero mula sa plaza hanggang sa Malacañang. Noong 7 Nobyembre 1930, itinatag sa plaza ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa isang rali na dinaluhan ng mahigit-kumulang anim na libong tao. Sa kasalukuyan, itinalaga ang plaza bilang isa sa mga “freedom park” o “liwasan ng kalayaan” sa Maynila at maaaring pagdausan ng mga rali ang taumbayan nang hindi humihingi ng pahintulot mula sa kinauukulan.
Ipinangalan ang liwasan sa Español na gobernador-heneral na si Domingo Moriones y Muralla, na siyáng nagpagawa sa sistema ng mga imbornal ng Maynila bago matapos ang ika-19 siglo. May laking 2,227 metro kuwadrado ang plaza at káyang magkasiya ng halos pitong libong tao. Pinaliligiran ito ng mga punongkahoy at upuan, at tatlong fountain ang matatagpuan sa parke. Matatagpuan din dito ang monumentong Sigaw ng Tondo bilang paggunita sa mga biktima ng hukbong Japanese noong Labanan sa Maynila noong 1945, at isa pang bantayog sa alaala ni Honorio Lopez, isang mandudulang taga-Tondo na lumaban sa Himagsikang Filipino. (PKJ)