Pláza Miránda

Ang Pláza Miránda ay ang liwasang-bayan sa harap ng Simbahan ng Quiapo, Maynila. Ipinangalan ito kay Jose Sandino y Miranda, Kalihim ng Tesorerya ng Filipinas noong 1853–1854. Tanyag na pook ito na pinagpapahayagan ng patakaran o pagkilos na inihihingi ng pagsang- ayon ng mga mamamayan. Malimit na mga usaping pambansa ang paksa ng sinumang tao o grupong nagtutungo rito upang magpahayag. Kapag may hakbang na ipinapanukala, naging bukambibig tuloy ng ilang pinunò ng pamahalaan ang ganito: “Maipagtatanggol ba natin iyan sa Plaza Miranda?”

Naging kilala lalo ang Plaza Miranda sa pagbombang naganap dito noong 21 Agosto 1971, isang taón bago ideklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar. Sa pangyayaring ito, hinagisan ng dalawang granada ng isang di- kilalang tao ang platapormang pinagdarausan ng proklamasyon ng mga kandidato sa pagkasenador at alkalde ng Maynila ng Partido Liberal. Halos lahat ng mga kandidatong nasa entablado ay nasugatan, lalo na si Senador Jovito Salonga, na napinsala ang isang mata at tainga, at si Ramon Bagatsing na nawalan ng binti. Matapos ang pagbomba, ibinalitang9 na tao ang nasawi at 120 ang nasugatan.

Pinagbintangan ng oposisyon si Pangulong Marcos na nagpakana ng pagbomba. Sinisi naman ni Marcos ang mga Komunista sa nangyari. May mga kuro-kuro pang ginamit ng dating pangulo ang naganap na kaguluhan upang suspindehin ang writ of habeas corpus na nagpahintulot sa gobyerno na panatilihin ang mga bilanggo sa piitan kahit wala pang isinasampang kaso sa mga ito, at tuluyang ideklara ang Batas Militar. (MBL)

Cite this article as: Plaza Miranda. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/plaza-miranda/