Pláza Cuartel
Matatagpuan ang Pláza Cuartel (ku·war·tél) sa Lungsod Puerto Princesa, Palawan. Isa itong isinaayos na guho ng lumang tanggulan. Dito sinunog ng mga sundalong Japanese ang 143 Americano na prisoners of war (POW) noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sinunog ang mga bihag noong Disyembre 1944, at may labing-isang nakaligtas na lumangoy sa dagat patungong Iwahig. Ang mga labí ng mga nasawi ay dinalá at inilibing sa Jefferson Barracks National Cemetery, Missouri, Estados Unidos. Ang pangalan ng mga nakaligtas ay nakalagay sa isang tansong pananda, na itinayô sa ibabaw ng mga lumang undergroumd bunker pinagpiitan sa mga bihag bago silá paslangin.
Sa kasalukuyan, isang pook pasyalan ang Plaza Cuartel na bahagi ng mas malaking plasa ng bayan. Malapit ito sa tabing-dagat. (PKJ)