Pláya Hónda

Ang Pláya Hónda ay isang makasaysayang lugar sa baybayin ng Zambales. Matatagpuan ito sa malawak na kapatagan ng Iba (na dating tinawag na Paynauen) at napaliligiran ng mababato at matataas na bundok ng Batalan o Batohan. Gáling sa mga Español ang tawag na honda sa aplaya at nangangahulugan ng “pampang na malalim.”

Nang masakop ng mga Español ang Filipinas, dinalá rin nilá sa bansa ang kanilang mga kaaway. Isa ang mga Olandes na nagtangkang salakayin ang Filipinas sa pamamagitan ng Zambales. Dahil na rin sa mainam itong daungan ng barko, sa Playa Honda naganap ang engkuwentro ng mga barkong Español at Olandes. Ang unang sagupaan sa Playa Honda ay nagsimula noong24 Abril 1610 sa pagdating ng mga barkong pinamumunuan ni Francois de Wittert malapit sa Look Maynila. Sumugod naman ang kampo ni Gobernador- Heneral Juan de Silva kasáma sina Kapitan Pedro de Almazan at Kapitan Juan dela Vega. Maraming mga napatay at nasugatan sa mahigit tatlong oras na labanan hanggang limang Olandes na lamang ang natira. Kinabukasan, malaking tagumpay ay ipinagdiwang sa Maynila at isang prusisyon ang ginanap sa katedral sa Intramuros. Hinila papuntang Cavite ang dalawang barkong Olandes at pinaghati-hatian ng mga Español ang mga yamang dala nitó.

Noong Abril 1617, muling dumanak ang dugo sa Playa Honda. Pitóng barko ng mga Español ang dinalá ni Heneral Juan Ronquillo para umatake sa armadang dalá ni Joris van Spilbergen at may tangkang harangin ang kalakalan sa Look Maynila. Dalá ni Ronquillo ang pinakamalaki nilang barko, ang Salvador. Hindi nagtagumpay ang puwersa ni Spilbergen at ang taktika ni niláng sunod-sunod na sugurin ang pagputok ng 50 kanyon ng Salvador. Lumubog ang barkong Sol Nuevo de Olanda (o ‘Bagong Araw ng Holland’) noong 15 Abril1617, pitóng araw pagkatapos dumating ng armada ni Spilbergen sa bukana ng Look Maynila. (CID)

Cite this article as: Playa Honda. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/playa-honda/