Pitóng Lawà ng San Páblo
Kilala ang Lungsod San Pablo sa Laguna bilang Lungsod ng Pitong Lawa dahil sa pitong lawa na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng siyudad. Binubuo ang Pitóng Lawà ng San Páblo ng mga Lawang Bunót, Calibato, Pandín, Yambô, Pálakpákin, Muhíkap, at Sampálok. Pangunahing ginag- amit ngayon ang pitong lawa sa pag-aalaga ng mga tilapya na nagtutustos ng naturang isda sa malaking baha-gi ng San Pablo, mga karatig-bayan at maging sa Maynila.
Matatagpuan sa pinakapusod ng lungsod ang Lawàng Sampálok––ang pinakamalaki sa pitong lawa na may la-wak na 104 na ektarya, at katabi ng munisipyo kung saan tanaw ang mga nakapalibot na bundok kabilang ang Bundok Banahaw.
Matatagpuan naman ang Lawàng Pálakpákin sa Barangay San Buenaventura. May lawak itong 43 ektarya at lalim na hanggang 7.5 metro. Kilala bilang hipong palakpakin ang hipon na nakukuha mula sa lawa, na sinasabing alaga ng diwata sangayon sa alamat ng pinagmulan ng lawang ito.
Itinuturing namang magkakambal na lawa ang Yambô at Pandín na matatagpuan sa Barangay San Lorenzo. May lawak na 20.5 ektarya at lalim na 63 metro ang Lawang Pandin. May lawak namang 28.5 ektarya ang Lawang Yambo. Itinuturing na oligotropiko ang mga lawang ito kayâ’t maaaring paglanguyan ng mga tao. Dinarayo ng mga turista ang Lawang Pandin, ang sinasabing may pinakamalinis na tubig sa pitong lawa. Tumutulong ang turismo sa kabuhayan ng komunidad sa paligid ng lawa, lalo pa matapos ang pagtatatag ng Samahan ng Mangingisda sa Lawa ng Pandin.
Samantala, matatagpuan sa Barangay Concepcion ang Lawàng Bunót na may lawak na 30.5 ektarya at may lalim na hanggang 23 metro. Matatagpuan naman ang Lawàng Calibato sa Barangay Sto. Angel at may lawak itong 42 ektarya at lalim na hanggang 135 metro, ang naitalang pinakamalalim sa pitong lawa. Nasa Barangay Sta. Cata-lina naman ang Lawàng Muhíkap na may lawak na 14.5 ektarya. (ECS)