pipíno
Ang pipíno (Cucumis sativus) ay baging na magaspang at gumagapang, hugis itlog ang dahon na nahahati sa limang bahaging tulís ang mga dulo, dilaw ang bulaklak, at may biluhabang bungang nakakain. Ang mga ugat nitó ay nakabaon sa lupa. Nakapayong ang malalaki nitóng mga dahon sa pahabâ at silindrikal na bunga na may habàng 60 sentimetro at diyametrong 10 sentimetro. Siyamnapung porsiyento ng pipino ay binubuo ng tubig. Kung pagbabase-han ang klasipikasyon sa botanika, itinuturing itong prutas dahil nababálot ang mga buto nitó at nagmumula ang bunga sa bulaklak. Ngunit katulad ng kamatis at kalabasa, kadala-san itong napagkakamalang gulay.
Isa ang pipino sa mga pagkaing matagal nang pinakikinabangan ng mga sinaunang sibilisasyong tulad ng Ur, Sumeria, at Thrace. Mula sa bansang India tatlong libong taon na ang nakararaan, nakarating ito sa bansang Grecia at Italia. Umabot din ito sa China na nangunguna sa produksiyon ng pipino sa buong mundo. Kinalaunan, ipinakilála ito ng mga Griego o Romano sa Europa parti-kular sa France noong siglo 9, sa England noong siglo 14, at sa Kanlurang America noong siglo 16. Ngayon, itina-tanim na rin ito sa halos lahat ng kontinente sa mundo.
Maraming sustansiya, tulad ng bitamina B at C, kalsiyo, at iron, ang makukuha mula sa pagkain ng pipino kung kayâ madalas makita ito sa hapag kainan. Tinatalupan at hinihiwa ang bunga nitó at isinasawsaw sa sukang may asukal, asin, paminta, at katas ng kalamansi. Bukod sa maaari itong maging sangkap sa paggawa ng salad, iniha-halò rin ito sa mga putaheng pinakukuluan. Ang talbos ng pipino ay maaaring kainin nang hilaw o lutô tulad ng buto nitó.
Nakagagamot din ang pipino. Ang katas mula sa mga dahon ay lunas sa mga batàng hindi matunawan. Kapag hindi maayos ang pagpasok ng sustansiya sa katawan, nakatutulong nag hilaw o hinog na pipino. Nakatutulong din ito sa pagpapagalíng ng pasò. Higit sa lahat, popular ang pipino dahil nakagaganda ito ng kutis. Tinatawag din itong gherkin, kalabaga, maras, at timun. (KLL)