pinyá

 

Ang pinyá (Ananas comosus) ay isang halamang prutas na kalimitang nabubuhay sa mga bansang tropiko. Pinakamahalaga ito sa mga mahalagang halaman na nagmula sa pamilyang Bromeliaceae. Maaaring paramihin ang pinya sa pamamagitan ng pagtatanim sa pinutol nitóng korona. Ang pamumulaklak nitó ay magsisimula 20-24 buwan pagkatapos itanim, at ang pamu-munga ay sa loob ng susunod na anim na buwan.

Ang halamang ito ay perenyal at lumalaki ng 1.0-1.5 metro. Ang katawan ng pinya ay mat-ulis na may mga patusok na dahon sa ibabaw ng prutas o bunga. Ang mismong prutas nitó ay mas maikli kompara sa mga dahon, at may magaspang na balát. Bago ito mag-bunga, ito’y kalimitang nagkakaroon ng 200 bulaklak. Matapos nitóng mamulaklak, nagkakaroon o bumubuo ng isang kumpol ang mga bulaklak na siyáng nagiging bunga ng pinya.

Ang prutas ng pinya ay maaring kainin matapos balatan at alisin ang mabalahibong matá sa paligid ng prutas. Maaari rin itong iproseso para sa iba pang produkto. Ang kalimitang produkto na ginagamitan ng pinya ay panghimagas na tulad ng pineapple jam, kendi, at sorbetes na sinangkapan ng pinya. Ang Filipinas ay nakilála sa pamamagitan ng paggamit ng dahon ng pinya na pinagmumulan ng himaymay para makagawa ng tela. Mamahalin ang telang hinabi sa himaymay ng pinya.

Ayon sa nakatalâng kasaysayan, ang unang nakadiskubre sa pinya ay si Captain James Cook, isang Ingles na manlalakbay, subalit pinaniwalaan na si John Kidwell, isang negosyante, ang unang nagpakilala nitó nang dalhin niya ang halaman sa Hawaii noong 1900 at dito nagsimula ang komersiyal na produksiyon ng halamang ito. Pineapple ang tawag dito sa Ingles at piña sa Español na pinagkunan ng pangalang Filipino. May alamat ding Filipino kung bakit maraming “matá” ang prutas nitó. (SSC)

 

Cite this article as: pinyá. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pinya/