Tomás Pinpín

Itinuturing si Tomás Pinpín na “Ama ng Paglilimbag” sa Filipinas dahil siyá ang unang tanyag at kinikilálang manlilimbag na katutubo nang ipasok ang imprenta ng mga Español. Ipinalalagay na isinilang siyá sa loob ng mga taóng 1580 at 1585 sa Abucay, Bataan at naging katulong sa limbagan doon ng mga Dominiko. Inimprenta ni Pinpin ang aklat ni Padre Francisco Blancas de San Jose na Arte y Reglas de la Lengua Tagala (Sining at mga Tuntunin ng Wikang Tagalog) noong 1610.

Bukod dito, ipinangalan din sa kaniya ang paglilimbag sa Vocabulario Tagalog (1613) ni Fray Pedro de San Buenaventura, Relacion Verdadero del Insigne y excelente Martyrio(1623) ni Fray Melchor de Manzano, Virgen San Mariano (1623) ni Fray Juan de los Angeles, Relacion de Martirio (1625) di-kilala ang awtor, Relacion Verdadero y Breve de la Persecucion y martyrios(1625) ni Fray Diego de San Francisco, at marami pang iba. Bukod sa mahusay na tagaukit ay kailangang mahusay siyá sa wikang Español upang mapagkatiwalan ng gayong trabaho. Ngunit higit pa rito, si Pinpin ay isang makatang ladíno, ibig sabihin, nakatutula sa wikang katutubo at sa wika ng mananakop na mga Español. Ipinakita niya ito sa kaniyang aklat na Librong pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang Castila(1610), ang unang limbag na aklat na sinulat ng isang Filipino. Ganito ang unang pangungusap sa pambungad niyang tula sa libro:

Anong dico toua
como no hede holgarme
con hapo’t, omega
la mañana y tarde
dili napahamac
que no salió en balde
itong gaua co
aqueste mi lance.

Tulad ng pamagat, may layuning magturo ng wikang Español ang aklat. Ngunit isang kahali-halinang bahagi nitó ang mga tila awit na ehersisyo sa talahulugang Tagalog at Español. Ang totoo, nilimbag ang aklat ni Pinpin ng kaniyang kapuwa manlilimbag na si Diego Talaghay. (VSA)

Cite this article as: Pinpin, Tomas. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pinpin-tomas/