píno

Ang  punò  ng  píno  ay  laging-lungti. Tinatayang may  125 na sari o species ng píno sa buong mundo. Lumalago ang punongkahoy na ito sa mga lugar na maaraw. Hindi ito lumalaki nang   maayos   kung itatanim  sa  malilim na lugar. Umaabot ng hanggang 80 metro ang tayog nitó.

Paikot na tumutubò sa tuwid na katawan ang mga sanga nitó. Malakas din ang amoy ng pino kung nasusugatan ang balát. Kadalasang may korteng cone ang mga punò ng pino. Mas mahabà ang mga sanga sa ibabâ ng punò kaysa sa ibabaw.

Ang mga dahon ng pino ay parang karayom dahil ito ay manipis at patusok ang dulo. Kadalasang magkadikit sa punò ang mga dahon kapag tumubò. Dalawahan, tat-luhan, at limahan lamang ang maaaring bilang ng mga dahon sa pagtubò nang magkakasáma. Dahil dito, mas madalîng makilála ang sari ng pino depende sa bilang ng dahon na magkakasáma. Hindi nagbabago ang kulay nitó kahit taglagas. Hindi rin naglalaglagan ang mga dahon nitó kung panahon ng taglamig. Napapanatili ng punò ng pino ang mga dahon hanggang dalawang taon. Kung mangalagas man ang matatandang dahon, may bago itong kapalit.

Walang bulaklak o bunga ang mga pino. Sa halip, mayroon itong cones na nagdadalá ng buto. Karaniwang ginagamit itong palamuti sa mesa at sa mga bouquet ng bulaklak.

Ang batàng punò ng pino ay may makinis at mala-berdeng kulay ng balát. Samantala, ang mas matandang pino na-man ay maraming mga animo’y lamat sa balát. Maliban sa sari na Scotch pine na namumulá ang balát sa pagtanda ng punò, lahat ng sari ng pino ay nagkakaroon ng lamat ang balát sa pagtanda. Depende sa sari, may mga makakapal at maninipis na balát ang punòng pino.

Kung hindi puputulin, umaabot sa 100 hanggang 1,000 taon ang edad ng mga punòng ito. May ilan na umaabot pa ng 5,000 taon. Ang Great Basin Bristlecone Pine na ti-natawag na “Methuselah,” sa California, USA ay ang kinikilálang pinakamatandang pino sa mundo na may edad na 4,600 taon. (ACAL)

 

Cite this article as: píno. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pino/