Macario Pineda

(10 Abril 1912–2 Agosto 1950)

Isang batikang mangangatha sa wikang Tagalog si Macario Pineda (Ma·kár·yo Pi·né·da).

Unang nagsulat si Pineda sa wikang Ingles. Ang kaniyang unang kuwento, ang “Five Minutes” ay nailathala sa Graphic. Nagpatuloy man siya sa pagsulat sa Ingles, higit na nakilala ang kaniyang mga kuwento sa Tagalog. Noong1937, ang kaniyang kuwentong“Walang Maliw ang mga Bituin” na nailathala sa Mabuhay ay napiling isa sa sampung pinakamahuhusay na kuwento ng taón. Nakapaglathala rin siya ng mga akda sa Liwayway, Malaya, Bulaklak, Ilang-ilang, Daigdig, at Sinag-tala.

Ang kaniyang mga kuwento ay kakikitahan ng maingat na karakterisasyon at mahusay na paraan ng pagsasalaysay. Hinahangaan siya sa paggamit ng katutubong kulay at mahusay na kaalaman sa idyoma at tradisyonal na kostumbre ng mga Filipino. Laging napapabilang ang kaniyang mga akda sa antolohiya ng pinakamahuhusay tulad ng Ang 25 Pinakambuting Maikling Kathang Pilipino ng 1943 (1944) at ng Maikling Kuwentong Tagalog, 1886-1948 (1949) na pinamatnugutan ni Teodoro A. Agoncillo.

Sumulat din si Pineda ng mga nobela, bilang aklat o bilang de-serye. Kabilang sa mga nobelang ito ang Halina sa Ating Bukas (1946), Ginto sa Makiling (1947), Mutyang Tagailog (1947-1948), Langit ng Isang Pag- ibig (1948), at Isang Milyong Piso (1950). Nagsulat din siya ng mga kolum para sa mga magasing Daigdig at Liwayway.

Ipinanganak si Macario Pineda noong 10 Abril 1912 sa Malolos, Bulacan sa mag-asawang sina Felisa de Guzman at Nicanor Pineda, na kilalang mambabalagtas. Napangasawa niya si Avelina Reyes at nagkaroon sila ng pitong supling. Nagtapos siya ng sekundarya sa Bulacan High School, at pagkaraan, nagtrabaho bilang klerk sa munisipyo. Naging ingat-yaman din siya ng mga bayan ng Meycauayan, Pandi at Bigaa. Namatay siya noong 2 Agosto1950. (GSZ)

Cite this article as: Pineda, Macario. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pineda-macario/

Related Articles