Jorge Pineda

(?–12 Setyembre 1946)

Si Jorge Pineda (Hór·he Pi·né·da) ay isang ilustrador na lumikha ng ikonikong larawan ni Juan dela Cruz na nakasuot ng barong tagalog, salakot, at tsinelas. Una itong nalathala sa The Philippines Free Press na pinagliligkuranniya bilang kartunista Bilang pintor, nagwagi siyá ng mga parangal sa Universal Exposition sa St. Louis, Missouri sa Estados Unidos noong 1904: ikatlong karangalan para Campesina at karangalang banggit para sa Las Buyeras.

Ipinanganak si Pineda noong 26 Hulyo 1879 sa Sta. Cruz sa Maynila, at pumasok sa Academia de Dibujo y Pintura bago sumiklab ang Himagsikan noong 1896. Matapos ang Digmaang Filipino-Americano, nag-aral siyá ng pagguhit sa Academia de Dibujo ni Teodoro Buenaventura. Isa sa mga pangunahing impluwensiya ni Pineda sa pagpipinta si Fabian dela Rosa. Kakontemporaneo ni Pineda si Fernando Amorsolo bagaman iba ang mga pinili niyang paksain. Halimbawa, ang mga larong Filipino. Ilan sa mga kinikilálang obra maestra ni Pineda ang “Playing Chonka,” “Lantern Makers,” “Cornhuskers,” at “Figueroa.” Bukod sa Free Press, nakapag-ambag din siyá ng kaniyang mga guhit sa mga peryodikong politikal, tulad ng Telembang, The Independent, at sa Lipang Kalabaw, isang magasing satiriko at doon niya ginamit ang “Makahiya” bilang sagisagpanulat.

Naglingkod din si Pineda bilang litograpo sa palimbagang Carmelo and Bauermann. Lumikha siyá ng bersiyong litograpo ng larawan ng labintatlong bayani sang-ayon sa mga guhit ni Guillermo Tolentino. Nagguhit din siyá ng mga larawan para sa pabalat ng Renacimiento Filipino. Tumanggap din siyá ng mga gawaing higit na komersiyal, tulad ng pagdidisenyo ng mga patalastas sa diyaryo, tiket sa sweepstakes, selyo, at maging ng dalawampung pisong papel na inilabas bago ang digmaan at nagtatampok ng Bulkang Mayon. Nagguhit din siyá para sa maraming libro, tulad sa Bajo de Los Cocoteros ni Claro M. Recto.

Matatagpuan ang tandang pangkasaysayan kay Pineda sa kanto ng mga kalyeng Zubaran at Tomas Mapua, sa lugar umanong kinatatayuan ng bahay na sinilangan niya. (ECS)

Cite this article as: Pineda, Jorge. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pineda-jorge/