Pindangan Ruins
Matatagpuan ang mga Guhòng Pindángan, o mas kilalá sa pangalang Ingles na Pindangan Ruins (Pin·dá·ngan Rú·wins) sa Barangay San Vicente, Lungsod San Fernando, lalawigan ng La Union sa rehiyong Ilocos. Hango ang pangalan ng lugar sa lumang pangalan ng San Fernando, “Pindangan,” na sa wikang Ilokano ay nangangahulugang isang pook para sa pagpapatuyo ng “pindáng” (karneng may asin para maipreserba).
Ang mga guho ay ang mga labí ng pinakamatandang simbahan sa pook na itinayô noong 6 Mayo 1786. Ang Simbahang Pindangan ay naging sagisag ng pagsasanib ng dalawang sityo, ang San Vicente de Balanac sa dalampasigan, at ang San Guillermo de Dalangdang sa paanan ng bundok. Diumano’y laging nilulusob ang San Vicente ng mga pirata, at ang San Guillermo ng mga mamumugotulo mula sa Cordillera. Noong 1759, pinag-isa ang dalawang pamayanan sa pangunguna ng Agustinong fraile na si Jose Torres. Ang resulta: ang Pindangan, na siyá namang muling pinangalanan bilang Ministerio de San Fernando bilang pagkilála kay Haring Fernando ng España. Noong1892, napinsala ng lindol ang Simbahan ng Pindangan. Noong 1974, itinayô ng mga madreng Carmelite ang kanilang monasteryo sa pook, at silá ang nangangalaga ng mga guho.
Sa kasalukuyan, matatagpuan sa mga guho ang mga dingding ng dating simbahan, pati isang lumang balon na gawa sa batong tangrib at tisa. Nakukumutan ng mga halaman ang maraming bahagi ng mga guho. (PKJ)