Mariano Pilápil

(1759–1818)

Si Mariano Pilápil o Mariano Bernabé Pilápil ng Bulacan, ang sinasabing paring klerigo na nagbigay ng pahintulot sa paglalathala ng Casaysayan ng Pasyong Mahal ni Jesuchristong Panginoon Natin na Sucat Ipag-alab nang Puso ng Sinomang Babasa na nalathala noog 1814 at ginagamit pa rin sa pabása kapag mahal na araw hanggang sa kasalukuyan. Naunang pinaghinalaan ng ilan na maaaring si Pilápil mismo ang nagsulat ng naturang pasyon, sa kabila ng pahayag ng ibang sensura na iwinasto lang ni Pilapil ang ilang pagkakamali sa teksto, lalo pa iyong mga detalyeng hindi sang- ayon sa turo ng simbahan. Dahil kay Pilápil kayâ tinatawag ding Pasyong Pilapil ang pasyong nabanggit. Kinomisyon umano ng arsobispo upang maglathala ng Pasyong Mahal na magpapawalang-bisà sa lahat ng iba pang pasyong nalalathala’t lumalaganap noong ikalabinsiyam na dantaon sa bansa.

Nagmula si Pilápil sa angkan ng mga paring sekular, isang di-karaniwang bagay kahit pa sa mayayamang katutubo’t bahagi ng saray na mariwasa noong panahon ng kolonyalismong Español. Nag-aral si Pilapil ng paaralang sekundarya sa Seminario de San Carlos sa Maynila bago siyá nagtapos ng Doktorado sa Teolohiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagsilbi rin umano siyáng Rektor ng Colegio de San Jose, at isa sa mga kilaláng naging mag-aaral niya si Francisco Balagtas. Isa sa mga tekstong nasulat ni Pilapil ang Pagsisiyam, at Maicling Casaysayan ocol sa larauang mapaghimala nang Mahal na Virgen nang capayapaa’t mabuting paglayag na nalathala noong 1835. Bukod sa pagsisiyam, naglalaman ang aklat na ito ng kasaysayan ng imahen ng Birhen ng Antipolo. (ECS)

Cite this article as: Pilapil, Mariano. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pilapil-mariano/