Philippine Deep
Ang tunay na pangalan ng Philippine Deep (Fí·li·pín Dip) ay Philippine Trench. Kung minsan, tinatawag din itong “Mindanao Deep.” Ang trench o trintsera ay isang paghahambing sa pahabâng paghukay ng mga sundalo sa lupa bilang tanggulang militar. Sa heolohiya, ang trintsera ay tumutukoy sa mahabà, makitid, at napakalalim na hiwa sa pusod ng karagatan. Ang Philippine Deep o Philippine Trench ay matatagpuan sa silangan ng Filipinas, umaabot sa 1,320 kilometro ang habà at 30 kilometro ang lapad, mula sa gitna ng isla ng Luzon patungo sa timog-silangan hanggang isla ng Maluku sa Indonesia. Ang pinakama-lalim na pook nitó ay ang Galathea Depth na may 10,540 metro (34,600 piye). Ito ang pinakamalalim na pook sa bansa at ikatlo ang lalim sa buong mundo.
Ang Philippine Trench ay bunga ng pagbabangga ng mga platong tektoniko sa ilalim ng lupa. Katabing-katabi ng Philippine Trench sa hilaga ang tinatawag namang East Luzon Trench. (AMP)