Pérlas ni Allah
Kinikilálang pinakamalaking perlas sa buong daigdig, ang Pérlas ni Allah ay natagpuan noong 1935 sa Barangay Oring-Oring, pitóng kilometro mula sa poblasyon ng Brooke’s Point, Palawan. Tinatawag din itong Pérlas ni Lao-Tzu at may timbang na 14.1 libra. Alinsunod sa pagpepresyo noong 1984, umaabot ito sa US 42 milyong dolyar. May alingasngas hinggil sa pag-aari ng perlas ngunit nananatili itong iniingatan sa Oring-Oring.
May ulat na natagpuan ito ng isang maninisid na Moslem at nahahawig sa imahen ni Allah ang rabaw kayâ tinawag na Perlas ni Allah. May alamatvnamang nagmula ang perlas sa isang binhing itinanim sa loob ng tulya sa panahon ng dinastiyang Sui at nahulog sa dagat, lumaki, at kayâ tinatawag din ngayong Perlas ni Lao Tzu ang higanteng perlas.
Bukod sa pambihirang perlas, ang Brooke’s Point ay isang tampok na pook panturista. Una, makasaysayan ang pook dahil itinatag ni James Brooke, isang abenturero at negosyanteng British na naging Raha ng Sarawak noong 1841. Ang parola na tinatawag na Port Miller and Lighthouse Tower sa Brooke’s Point ay sinasa-bing ipinatayô mismo ni James Brooke. Ang tangke ng tu-big ay naging kuhanan ng malinis na tubig ng mga unang nanahan sa munisipyo. Ang guho ng orihinal na parola ay makikita pa bagaman may nakatayô nang bagong parola.
Ipinagmamalaki din ng munisipalidad ang magagandang tanawin at isang malawak na parkeng ekolohiko. Halimbawa, ang Talon Sabsaban na matatagpuan sa Cabar, Aribungan ay dinadayo dahil sa dalisay na tubig na naliligid ng kalikásan.
Bonbon ang dating pangalan ng Brooke’s Point. Binubuo ito ng 18 barangay: Amas, Aribungos, Barong-Barong, Calasaguen, Imulnod, Ipilan, Maasin, Mainit, Malis, Mambalot, Oring-Oring, Pangobilian, Poblacion 1, Poblasyon 2, Salogon, Samariñana, Saraza (dating Taniong-bobog), at Tubtub.