Mariano Perfecto
(1853–3 Nobyembre 1913)
Naglingkod na ikaapat na gobernador ng Ambos Camarines, si Mariano Perfecto (Mar·yá·no Per·fék·to) ay isang prolipikong manunulat at may pambihirang pagkilala bilang“Ama” ng dalawang panitikan, ng panitikang Bikol at panitikang Hiligaynon.
Ipinanganak sa Ligao, Albay noong1853, si Mariano Perfecto ay naging kilalang manunulat sa wikang Bikol at Hiligaynon. May nagsasabing isa siyang paring sekular sa Naga at kailangang ipatapon dahil sa gawaing politikal. Sa Iloilo siya ipinatapon at nagsimula doon bilang isang maestro sa isang munting paaralan sa Barotac Viejo. Sa Iloilo rin siya nagsimulang magsulat ng mga kuwentong relihiyoso katulad ng buhay ni San Eustaquio, na kaniyang ibinebenta. Nang manalo diumano si Perfecto sa lotto, kaniyang ipinalathala ang nasabing akda na naging instrumental sa pagpapatayô niya ng isang libreriya, ang kauna-unahan sa buong Bisaya at Mindanao. Sinasabing sa Iloilo na rin siya nagkaroon ng sariling pamilya. Noong 1882, pinalitan niya ang pangalan ng kaniyang tindahan at limbagan sa Libreria Panayana. Noong huling bahagi ng ika-19 siglo, muli siyang bumalik sa Naga upang mangasiwa sa pagpapatakbo ng imprenta sa Naga, dahil diumano sa alok na rin ng Obispo ng Nueva Caceres na si Arsenio Campos, isang Agustino. Pinangalanang Imprenta de Nuestra Senora de Penafrancia ang unang imprenta sa Naga. Sa mga susunod na taon, sinasabing nagpalit-palit ng pangalan ang nasabing imprenta, mula sa Imprenta de La Sagrada Familia, Imprenta y Libreria Mariana hanggang sa Imprenta La Bicolana de M. Perfecto. Nagsimula siyang makilala sa wikang Bikol nang itatag niya ang An Parabareta (1899-1900), ang kauna- unahang peryodiko sa rehiyon.
Bilang isang manunulat ng kaniyang panahon, isa si Perfecto sa kauna-unahang manunulat ng bansa na maituturing na nagkaroon ng kalinangan sa pagsasalin. Siya ang nagsalin ng Pasyong Henesis sa Bikol at Hiligaynon. Ang kaniyang Almanaque Bikolnon at ang Almanaque Panayanhon (sa Iloilo) ay naging mga popular na babasahin. Sa dalawang wikang ito nagsulat si Perfecto ng mga nobena, kartilya, awit at korido, at komedya. Dala ng kaniyang malawakang impluwensiya bilang manunulat, nanalo siyang gobernador ng Ambos Camarines noong 2 Nobyembre 1909 at naging pinunò ng probinsiya simula1910 hanggang 1912. Binawian siya ng buhay noong 3 Nobyembre 1913. Marami sa kaniyang mga sinimulang hakbangin sa pagsusulat at paglalathala sa Bikol man o Hiligaynon, relihiyoso man o sekular na teksto, ang nanatiling mahalagang mohon sa pag-aaral at pagtataguyod ng kalinangang Bikol at Hiligaynon. (KSC)