People Power

Naging pandaigdigang pangalan ang People Power (Pí·pol Pá·wer) para sa mapayapang pag-agaw ng kapangyarihan ng pamahalaan at mula sa halimbawa ng tinatawag na Pag-aalsang EDSA noong 1986. Ang buong pangyayari ay isang malawakang pagkilos sa mga paraang hindi gumagamit ng dahas at humantong sa pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand E. Marcos at pagbabalik ng mga demokratikong institusyong pampolitika.

Nagsimula ang organisadong pagkilos laban sa diktadurang Marcos noong 1983 at paslangin si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., pangunahing lider ng Oposisyon, nang umuwi ito mulang destiyero sa Estados Unidos. Nagkaroon ng mga rali’t demostrasyon at tinawag itong “Dilaw na Rebolusyon” dahil nagsuot ng damit na kulay dilaw at nagsasabit ng dilaw na laso at nagsasabog ng dilaw na kompeti ang mga nagpoprotesta.

Dahil sa lumaganap na protesta at pagbagsak ng ekonomiya ay napilitang tumawag ng madaliang halalan o Snap Elections si Marcos. Inilaban ng Oposisyon kay Marcos ang biyuda ni Ninoy Aquino na si Corazon “Cory” Aquino. Magulo at nagkaroon ng malaganap na dayaan ang eleksiyon ng 7 Pebrero 1986. Muling tumindi ang mga protesta sa loob at labas ng bansa. Isang pangkat ng kabataang militar, ang Reform the Armed Forces Movement(RAM), ang nagplano ng kudeta. Itinuloy ito noong Pebrero 22 kasama sina Juan Ponce Enrile at Hen. Fidel A. Ramos na nagbitiw sa kanilang mga tungkulin sa pamahalaang Marcos. Tinangkilik ng mga Corista at ng Simbahang Katoliko sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin ang kudeta. Dumagsa ang nakikisimpatiyang libo-libong tao sa kahabaan ng EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) at hinarap ang mga tangke’t sundalong ipinadalá ni Marcos para sugpuin ang rebelyon. Nagmistulang malaking pista ang lahat at sinundan ng buong mundo. Noong umaga ng25 Pebrero magkasunod nanumpa bilang Pangulo ng Filipinas si Cory sa Club Filipino sa Greenhills at si Marcos sa Malacañang. Ngunit di- nagtagal, napilitang tumakas sakay ng helikopter ang pamilya Marcos dahil sa bantang pagsalakay sa Malacañang ng mga rebelde.

Ang People Power ay Filipinas ay sinasabing naging modelo ng ibang mapayapang himagsikan sa Silangang Europa at ibang pook. (VSA)

Cite this article as: People Power. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/people-power/