Pensiyonádo
Ang pensiyonádo ay mula sa salitâng Español na pensionado, na nangangahulugang tao na nakatanggap ng libreng pag-aaral. Ito ay programa ng pamahalaang Americano para sa libreng pagpapaaral ng mga kabataang Filipino bilang bahagi ng kampanyang “build character” o paghubog ng karakter ng mga Filipino upang ihanda ang mga ito sa pamamahala sa sarili. Sinimulan ang programa noong1903 sa mungkahi ni W. A. Sutherland, isa sa mga kalihim ni Gobernador Heneral William Howard Taft. Ang mga napilìng iskolar o pensiyonádo ay ipinadadalá sa mga unibersidad ng Estados Unidos.
Nilayon ng programa na mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa, ngunit ang totoo ay nilayon ding maindoktrinahan ang mga pensiyonádo sa buhay-America. Nang simulan ang pagpapadalá ng mga pensiyonádo sa America, binigyan ni Taft ng priyoridad ang mga estudyanteng bukod sa matalino ay kabilang sa mahusay at tinitingalang pamilyang Filipino. Pinatira silá sa mga pamilyang Americano sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at pag-uwi ay binigyan ng mga posisyon sa gobyerno. Nagkaroon ng mga pagbabago sa mga patakaran sa pagpilì–nang una’y mga tapos ng hayskul ang maaaring lumahok sa programa; sa kalaunan, mga undergraduate at nagtapos na ng kolehiyo ang pinipilì at may karanasan na sa kanilang larangan, na kadalasan ay sa serbisyo sa gobyerno. Noong 1938, ang mga pensiyonádong ipinadalá sa America ay kinabilangan ng matataas na pinuno ng gobyerno. Binuo ng mga pensiyonádo ang Philippine-Columbian Association. Kabilang sa mga kilaláng pensiyonádo sina Jorge Bacobo, Antonio de las Alas, Camilo Osias, Francisco Delgado, at Conrado Benitez, na lumikha ng pangalan sa edukasyon sa Filipinas. (AEB)