Pédro Pelaéz
(29 Hunyo 1812–3 Hunyo 1863)
Si Pédro Pelaéz ay isang mestisong Español na pari na nanguna sa kampanya ng sekularisasyon ng mga simbahan sa Filipinas noong panahon ng kolonyalismong Español.
Isinilang siyá sa Pagsanjan, Laguna noong 29 Hunyo1812 kina Jose Pelaez Rubio, isang Español at alkalde mayor ng naturang probinsiya, at Josefa Sebastian Gomez Lozada, isang Filipina. Nang mamatay ang kaniyang mga magulang noong siyá ay 11 taon, kinupkop siyá ng kumbento ng mga Dominiko sa Maynila bilang utusan at pinag-aral sa Colegio de San Juan de Letran. Pumasok siyá sa Universidad de Santo Tomas at nagtapos ng mga kurso sa pagpapari: batsilyer sa sagradong teolohiya noong1833; lisensiyado sa sagradong teolohiya noong 1836; at doktorado sa sagradong teolohiya noong 1844.
Nang maging ordenado noong1833, naglingkod siyá sa Katedral ng Maynila. Nagsilbi siyáng Capitular Vicar at ginamit ang posisyon upang tugunan ang mga isyu ng karapatan ng mga paring Filipino at pinaluwag ang mga tuntunin ng simbahan na naghihigpit sa kanila. Bukod sa paglilingkod sa simbahan, nagturo rin siyá ng Pilosopiya sa Santo Tomas mula 1836 hanggang 1839. Isa sa mga naging estudyante niya noon ay si Jose Burgos, isang mahusay na estudyante at kalaunan ay sumáma sa kaniyang pagsusúlong ng sekularisasyon. Itinalaga siyá ni Gobernador Heneral Antonio Urbiztondo noong 2 Marso 1853 bilang bahagi ng komiteng pangedukasyon na inatasang pag-aralan at magmungkahi ng mga repormang pang-edukasyon sa bansa. Ang rekomendasyon ng komite ay kinilála sa Dekretong Pang-edukasyon ng 1863.
Naging manunulat at editor rin siyá ng pahayagang relihiyoso na El Catolico Filipino mula 1861 hanggang 1862. Noong 10 Setyembre 1861, inilabas ang isang kasulatang nag-uutos sa mga paring Filipino na bitiwan ang kanikanilang parokya at ipaubaya ito sa mga Rekoleto. Tinuligsa ito ni Padre Pelaez sa kaniyang liham kay Gobernador Heneral Jose Lemery ngunit hindi ito pinaunlakan ng gobernador. Mula dito, pinasimulan niya ang aktibong kampanya laban sa hindi pantay na pagturing sa mga paring Filipino.
Namatay siyá sa gumuhong Katedral katabi si Padre Ignacio Ponce de Leon nang magkalindol sa Maynila. Ipinagpatuloy ng mga estudyante niya ang kaniyang pagsusúlong ng sekularisasyon. Ang kaniyang akdang Coleccion de Sermones ay nailathala sa Madrid noong1869 matapos ang kaniyang kamatayan. Naging mahalagang impluwensiya ang kaniyang kaisipan sa sumunod na henerasyon mula kay Padre Jose Burgos na guro at kaibigan ni Paciano Mercado na kapatid naman ni Jose Rizal. (KLL) ed VSA