Pearl Farm

Ang Pearl Farm (perl farm) ay isang tanyag na pook bakasyunan at pribadong resort sa lungsod at isla ng Samal sa rehiyong Davao, katimugang Mindanao. May lawak itong 14 ektarya. Dati itong anihan ng perlas kungsaan libo-libong taklobo (talaba, o giant clam) ang dinadalá mula sa Dagat ng Sulu at inaalagaan para sa mamahaling perlas na kulay putî, ginto, at pink.

May kamahalan ang pagtira sa Pearl Farm dahil na rin sa tagô nitóng lokasyon at naggagandahang pasilidad. Tahimik dito at malayò sa kalungsuran. Ang mga tirahan ay may disenyong Maranao at Samal; matatanaw mula sa mga ito ang Golpong Davao. Bukod sa white sand beach na kaunti ang tao at pinaliligiran ng mga punongkahoy, dinadayo ang Pearl Farm para sa mga gawaing watersports dito, tulad ng windsurfing, water polo, jetskiing, kayaking, snorkeling, at scuba diving. (PKJ)

 

 

Cite this article as: Pearl Farm. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pearl-farm/