payyó
Payyó ang tawag ng mga Ifugaw sa ipinagmamalaki nilang rice terraces: mga hagdan-hagdang taniman ng palay na inukit sa gilid ng mga bundok. Bagama’t walang tiyak na siyentipikong batayan, may mga nagpapanukala na 2,000 taón na ang edad ng mga payyo. May mga nagsasabi rin na kung pagdudugtong-dugtungin ay liligid ang mga ito sa kalahati ng mundo. Sa ano’t anuman, kamangha-mangha ang pag-ukit at pagkakabit sa mga gilid ng bundok at pati na rin ang sistema ng irigasyon na nilikha ng mga sinaunang Ifugaw. Dahil dito ay kinikilala ang mga payyo bilang palatandaan ng henyong Ifugaw sa inhenyeriya. Ang mga payyo ng Ifugaw ay nakatala sa World Heritage List ng UNESCO.
Ang mga payyo sa Banaue ang pinakatanyag sapagkat ang mga ito ang karaniwang nakikita ng mga turistang bumi-bisita sa Ifugao o kinukunan ng retrato ng mga potograpo at nalalathala sa iba’t ibang publikasyon. Gayunman, marami pang kamangha-manghang payyo na matatagpuan sa mga bayan ng Mayoyao, Hungduan, at Kiangan. Sama-sama, ang mga payyo ng Ifugaw ay itinuturing ng pamahalaan bilang Pambansang Kayamanang Kultural ng Filipinas.
Isang buong kulturang umiinog sa palay ang ikinatatangi ng lipunang Ifugaw. Ang ang pinakamahalaga nilang mga baki (ritwal) ay may kinalaman sa pagtatanim, pag-aalaga, at pag-ani ng palay. Sa kaligirang ito ay makikita kung gaano kahalaga ang kanilang mga payyo. Gayunman, sa kasalukuyan ay peligroso ang lagay ng mga ito. Marami ang sinira ng mga kalamidad na tulad ng bagyo at lindol, at marami ang unti-unting gumuguho dahil sa kapabayaan. Malaking problema ang kawalan ng sapat na pondo sa pag-aalaga ng mga payyo, ngunti malaki ring problema ang bagong henerasyon ng mga Ifugaw na walang sapat na interes sa pagpapatuloy ng mga tradisyonal na kaugaliang kaugnay ng pangangalaga sa mga payyo. Dahil sa masaklap nitong kalagayan, noong 2001 ay nalagay sa List of World Heritage in Danger ang mga payyo. (DLT)