pawíkan
Pawíkan ang tawag sa mga pagong na matatagpuan sa dagat. Makikita ang mga ito sa mga maiinit at malalamig na karagatan. Sa Filipinas, limang uri ng pawíkan ang maituturing na nanganganib, gaya ng Chelonia mydas, Dermochelys coriacea, Eretmochelys imbricate, Lepidochelys olivacea, at Caretta caretta.
Makikilála ang pawíkan sa pamamagitan ng malaking talukab, na maaaring kulay berdeng oliba, dilaw, maberdeng kayumanggi, o itim. Malaki ang itaas ng talukap ng matá ng isang pawíkan. May pangkaraniwang bibig at panga ito na ginagamit sa pagkain. Nagbabago ang temperatura ng katawan ng isang pawikan ayon sa kaligiran. May isang pares lamang ito ng bagà at kailangang huminga bawat minuto kapag lumalangoy. May napakalakas na palikpik ang pawíkan na ginagamit sa paglalakbay ngunit wala itong kakayahang paurungin ang katawan para itago ang ulo at paa sa loob ng talukab.
Kadalasang makikita ang pawikan sa mababaw na baybay, sa bunganga ng ilog, at maging sa look. May mangilan-ngilan rin naman sa mga ito na nakikipagsapalaran sa karagatan. Halimbawa nitó ay ang Chelonia mydas na maaaring maglakbay ng 1,300 milya sa buong Atlantico samantalang ang Dermochelys coriacea naman ay káyang umabot sa layòng 3,000 milya.
May kanikaniyang paraan ng pagtulog, pagkain, pag-aasawa, at paglangoy ang bawat uri ng pawíkan sa dagat. Bumabalik ito makalipas ang 25-30 taón kung saan ito ipinanganak para mangitlog. Ginugugol ng lalaking pawikan ang buong buhay nitó sa karagatan samantalang bumabalik naman ang babaeng pawikan sa baybayin para mangitlog. Ang mga itlog na nása buhangin ay napipisa sa loob ng 40-60 araw. Dahil sa mabilis na pagkaubos, may ipinatupad na mga batas sa Filipinas na nagbabawal ng pangangalakal, panghuhúli, at pangongolekta ng pawi-kan. (MA)