patóla
Halamang gulay ang patóla (Luffa acutangula Roxb.), tumutubòng tila baging, at may bungang mahabà na kinakain. Tinatawag itong “saykuwa” sa Bisaya at may pangalang ridge gourd at chinese okra sa Ingles. Ang dahon ng patóla ay malaking halos pabilóg, may limang mababaw na liha, hugis puso sa malapit sa tangkay, at 10-20 sentimetro ang laki. Ang bulaklak ay matingkad na dilaw at dalawang sentimetro ang habà. Ang tila batutang bunga ay 20-25 sentimetro ang habà at limang sentimetro ang diyametro, at kulay lungtian ang balát at laman.
May dalawang popular na uri ang patóla sa Filipinas. Ang bunga ng karaniwang patola ay may pitong matalim na tagaytay ang balát. Makinis ang balát at higit na maikli ang tinatawag na “patólang iloko.” Ang bunga ay hinihiwa at karaniwang ginagawang sopas. May naggugulay din sa usbong at bulaklak. May uri naman ng patola na pinatutuyo, tinatawag na luffa, at ginagamit na espongha sa paliligo. (VSA)