páto

Ang páto o mallard sa Ingles ay uri ng ibon mula sa family na Anatidae at genus na Anas. Ang mga Anatidae ay kinabibilangan ng mga itik, bibe, pato, gansa, at sisne. Ang mga ito ay mayroong lamad sa pagitan ng mga daliri sa paa na tumutulong sa kanilang paglangoy, tila sapád na tuka, at may mga balahibong hindi nababasâ ng tubig dahil sa langis na bumabalot dito.

Ang salitáng páto ay mulang wikang Español at pangkalahatang tawag sa ibong tinatawag na duck sa Ingles. Sa gayong gamit maririnig sa ilang pook sa Filipinas ang pagtawag na “páto” sa itik at bibe. Gayunman, may mga pook na ginagamit lámang ang “páto” para sa mga ilahas na ibon at kasáma ng tikling at batubato ay puntirya ng mga mangangaso sa palayan at dawagan.

Mayroong 17 uri ng Anaridae na matatagpuan sa Filipinas. Endemiko sa bansa ang Anas luzonica o Philippine mallard. Mayroon itong itim na balatay sa ulo at matá, kanela na ulo at leeg, abuhing kayumanggi na mayroong patseng matingkad na berde ang katawan, at abuhing bughaw na tuka. Naninirahan ang mga ito sa tubig-tabang at tubig-alat, kabilang ang bakawan. Kumakain ito ng mga isda, insekto, hipon, at ilang halaman. Nanganganib na maubos ang Anas luzonica sa Filipinas dahil sa labis na paghúli at pagsira sa kanilang tirahan. (KLL)

 

 

Cite this article as: páto. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pato/