Pásong Dálton
Ang Pásong Dálton, na kilalá din bilang Pasong Balete, ay isang makasaysayang páso at daan na nagdudugtong sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya sa Luzon. Ang pinakamataas nitóng punto ay 3000 talampakan, at dito nagtatagpo ang mga bulubunduking Caraballo at Sierra Madre. Ito ang nag-iisang lagusan mula sa kapatagan ng Gitnang Luzon tungo sa Lambak ng Cagayan, at ito rin ang daanan papunta sa mga payyo (rice terraces) ng Ifugao mula sa Maynila at katimugang Luzon.
Dito naganap ang Labanang Pasong Balete noong Mayo1945, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan dinaig ng mga puwersang Filipino-Americano ang hukbong imperyal ng mga Japanese. Humigit-kumulang sampung libong Filipino, Americano, at Japanese ang namatay sa labanan. Isa na dito si Heneral James Dalton II, isa sa labing-isang opisyal heneral na Americano na napatay noong WWII. Ipinangalan ang paso sa kaniya. Malaki ang iniambag ng tagumpay sa tuluyang pagsuko ng mga Japanese sa Filipinas.
Sa kasalukuyan, matatagpuan sa pinakamataas na punto ng paso ang isang palataandang gumugunita sa labanan. Mayroon ding palatandaan para sa mga Chino na namatay na kaalyansa ng Filipino at Americano. Matatanaw mula sa viewdeck ang hanggahan ng dalawang lalawigan, ang haywey, at ang bulubunduking lupain. (PKJ)