Pásong Béssang
Ang Pásong Béssang (sa Ilokano, ang Béssang ay nangangahulugang“puwang na maaaring daanan”) ay isang makasaysayang páso sa bayan ng Cervantes, Ilocos Sur. May taas itong 5250 talampakan at pinaliligiran ng mapanganib at matarik na lupain. Dito naganap ang Labanang Pásong Bessang noong Hunyo 1945, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan dinaig ng mga gerilyang Filipino ang hukbong imperyal ng mga Japanese. Ang labanan ang isa sa pinakadakilang tagumpay ng Filipino sa kasaysayan ng bansa, at isa sa pinakamadugo sa kampanyang Pacifico ng WWII.
Malapit ang Bessang sa Pasong Tirad, na siyá namang bantog sa kasaysayan ng Filipinas bílang saksi sa kabayanihan at pagkamartir ni Heneral Gregorio del Pilar noong Digmaang Filipino-Americano. Ang Bessang at Tirad ang dalawa sa iilan lamang na pasong tumatagos sa bulubunduking bumabakod sa rehiyong Ilocos. Noong panahon ng digmaan, ang Bessang ang nagsilbing hulíng kuta ng mga Japanese sa ilalim ni Heneral Tomoyuki Yamashita, ang “Tigre ng Malaya.” Nilusob silá ng puwersang gerilyang United States Armed Forces in the Philippines, Northern Luzon (USAFIP, NL), na binubuo ng mahigitkumulang20,000 mandirigma, lahat ay Filipino maliban sa iilang Americanong mabibilang sa daliri, at pinamumunuan ni Koronel Russell Volckmann. Ang pagkawasak ng lakas ng mga Japanese sa Bessang ang nagsilbing susi ng pagkabitag ng puwersa ni Yamashita sa bulubunduking Cordillera hanggang sa tuluyang sumuko ang heneral noong Setyembre 1945. Mahigit sa 2000 tao ang namatay at 19000 ang sugatan sa labanan.
Ang labanan sa Bessang ang rurok ng kampanyang gerilyero sa Hilagang Luzon, at inilarawan ng historyador na si Cesar P. Pobre at Phillip Kimpo Jr. sa aklat na The Freedom Fighters of Northern Luzon: An Untold Story bilang“isa sa pinakamahirap na mga pagsubok sa lahing Filipino.” Sa kasalukuyan, isang pambansang dambana at protektadong pook ang matatagpuan sa Pasong Bessang. Mayroon itong lawak na 1,121 ektarya. (PKJ)