pásaw
Ang pásaw ay haláman na may balát na nagagawang lubid, naigugulay ang muràng talbos, at karaniwang tumutubò sa palayan. Kabilang ito sa pamilya ng mga halamang Onagraceae, at may pangalang siyentipiko na Jussiaea linifolia. Matatagpuan ito sa halos lahat ng bahagi ng Filipinas bilang isang halamang ilahás, lalo pa sa mga mamasâ-masâ at mahalumigmig na lugar, tulad nga ng mga palayan, at mga gilid ng mga batis at iba pang may malapit na tubigan.
Tumataas ang pásaw ng mula 20 hanggang 60 sentimetro nang tuwid at sanga-sanga. Maberde at halos lila ang mga sanga nitó, samantalang biluhaba ang mga dahong tumutubò nang salitanmula apat hanggang sampung sentimetro. Paisa-isa namang tumutubò ang bulaklak nitó sa sanga ng dahon at may apat na diláw na talulot. Berde’t malalila rin ang mga bunga ng pásaw na hugis kapsula at may tatlong sentimetro ang habà at isa hanggang dalawang milimetro ang diyametro. Itinuturing ang pásaw na astringent o pampaurong ng mga tisyu sa katawan, carminative o pampalabas ng hangin mula sa tiyan, at diuretic o pampadaloy ng ihi. Sa katutubong kaalaman, ginagamit ang pásaw laban sa lagnat, at sa nama-magâng sakít sa lalamunan at bibig. Madalas na ipinangmu-mumog ang pinatuyong mga dahon nitó na ginawang tila tsaa. Ibinubudbod din ang dinurog na sariwang dahon nitó sa bahagi ng katawan na apektado ng ekséma. (ECS)