Pasapórte

Ang pasapórte ay isang dokumentong ibinibigay ng isang pambansang pamahalaan na nagpapatunay ng identidad at nasyonalidad ng nagmamay-ari nitó at ginagamit sa paglalakbay sa ibang bansa. Naglalaman ito ng mga impormasyon tungkol sa may-ari, tulad ng tunay at buong pangalan, lugar at petsa ng kapanganakan, pagkamamamayan, kasalukuyang tirahan, at kasarian.

Sinasabing ang kauna-unahang opisyal na pasaporte ay ipinalabas ng pamahalaang Filipino nang lumaya ito sa America noong 1946. Ipinag- utos itong ilimbag sa wikang Filipino sa ilalim ng pamumunò ni Diosdado Macapagal. Kasalukuyan itong nakalimbag sa Filipino na may salin din sa Ingles. Ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas(DFA) ang may kapangyarihang magbigay ng mga ito sa mga mamamayang Filipino. Noong Mayo 1995 ay nagkaroon ito ng berdeng pabalat at ng barcodes noong 2004. Noong 2006, ang DFA sa pakik ipagt ulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ay nagsagawa ng modernisasyon ng sistema ng pasaporte sa bansa sa pamamagitan ng pagiisyu ng machine-readable passports upang maiwasan ang pamemeke ng mga ito. Noong Agosto 2009 ay inilabas ang unang biometric passport o e-passport na mayroong mas pinaunlad na katangiang panseguridad tulad ng hidden ecoded image, ultra-thin holographic laminate, at tamper-proof electronic microchip.

Mayroong apat na uri ng pasaporte sa Filipinas: ang regular na kulay maroon at ginagamit sa lahat ng paglalakbay ng mga mamamayan ng Filipinas; ang diplomatiko na kulay asul para sa mga kasapi ng serbisyong diplomatiko, attachés, at kinatawan sa mga organisasyong internasyonal na nagbibigay sa kanila ng prebilehiyo ng diplomatic immunity; ang opisyal na kulay pulá para sa mga opisyal na transaksiyon at ugnayan ng mga opisyal ng pamahalaan ngunit walang prebilehiyo ng diplomatic immunity; at ang Seafarer’s Identification and Record Book na maputlang asul ang kulay na iniisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA) para sa mga miyembro ng mga barkong banyaga at lokal na may bigat na 35 tonelada. (KLL)

Cite this article as: Pasaporte. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pasaporte/