Parólang Kábong Bojeador
Matatagpuan ang Parólang Kábong Bojeador (Bo·hé·a·dór) o Cape Bojeador Lighthouse sa buról na Vigia de Nagparitan sa Burgos, Ilocos Norte at nakabantay sa Tangos ng Bojeador at Dagat Kanlurang Filipinas. Sa taas na 65 talampakan (20 metro), ang parola ang isa sa pinakamataas sa buong bansa.
Idinisenyo ang paróla ni Magin Pers y Pers noong 1887 at tinapos ni Guillermo Brockman. Pinailaw ito sa unang pagkakataón noong 1892 at gumagana pa rin hanggang sa kasalukuyan. Sa loob ng mahigit isang siglo, nagsisilbi itong gabay sa mga sasakyang-dagat na papunta sa mga kalapit na pantalan ng Salomague sa Ilocos Sur (87 kilometro ang layò mula sa parola) at Currimao sa Ilocos Norte (60 km). Sa kasalukuyan, ang parola ang hudyat sa mga internasyonal na barkong pumapasok sa karagatang Filipino upang mag-ingat sa mabatong baybayin ng Bojeador. Nagsisilbi din itong himpilan para sa mga sasakyang-dagat na patungo sa Karagatang Pacifico at sa Babuyan Channel.
Yari sa tisa at hugis-oktagono ang tore ng parola at may putong na tansong kupola. Bilang isang tanyag na pook panturista, nakabukás sa publiko at ginawang museo ang isang bahagi ng parola. Ipinahayag ang Paróla ng Kábong Bojeador bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan(National Historical Landmark) noong 2004 at bilang Pambansang Yamang Pangkultura (National Cultural Treasure) noong 2005. (PKJ)