Parkeng Mines View

Ang Mines View Park o Parkeng Mines View (Mayns Byu) ang isa sa pangunahing pook pasyalan sa Lungsod Baguio. Matatanaw mula dito ang mga minahan ng ginto at tanso ng Benguet at ang mga nakapaligid na matatay-og na bundok ng Cordillera. Hindi nawawalan ng mga turista dito, dahil na rin sa ganda ng tanawin, malamig na simoy ng hangin na pinatamis ng mga punò ng pino, at iba pang maaaring gawin sa liwasan.

Bukod sa tanawin, maaaring magpakuha ng retrato hábang suot ang tradisyonal na kasuotang Cordillera, tulad ng bahag, kalasag, sibat, at tapis. Maaari ding mag-pakuha ng retrato hábang nakasakay ng kabayo o kayâ ay kasáma ang dambuhalang uri ng aso na St. Bernard. Mabibisita sa paligid ng Mines View ang mga tiyangge at tindahan ng pasalubong at sobenir. Patok sa mga turista ang mga alahas na gawa sa pilak na mas murang mabibili dito kaysa ibang lungsod. May mga kainan din, at hindi nalalayô ang Good Shepherd Convent na maaaring maka-tikim at makabili ng tanyag niláng jam na gawa sa strawberry at ube. Matatagpuan ang parke sa pinakahilagang-silangang bahagi ng Baguio, malapit sa The Mansion at Parkeng Wright. (PKJ)

 

Cite this article as: Parkeng Mines View. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/parkeng-mines-view/