Párkeng Búrnham

Ang Párkeng Búrnham (Bern·ham) ay isa sa mga pop-ular na parke sa Lungsod Baguio. Ipinangalan ito sa Americano na tagaplanong lungsod na si Daniel Burn-ham, na gumawa ng plano ng ilang pook sa Maynila at sa Lungsod Baguio. Isang malaking pook para mag-pahinga ang Parkeng Burnham at nása maituturing na gitna ng lungsod. Malapit lamang ang City Hall, ang palengke, ang Session Road, at mga restoran.

Nagpupunta dito ang mga tao upang mamasyal, sumagap ng hangin, mag-ehersisyo, at maglaro. Sa madalîng-araw ay napupunô ito ng mga táong naglalakad at tumatakbo bilang ehersisyo. May malaking pond o lawa- lawaan sa parke at kinagigiliwan ng mga pamilya at magkasintahang nais mag-boating. May kongkretong lugar din para sa pagbibisikleta. May pook din ito sa paglalaro ng tennis at basketbol. Sa isang panig ng parke ay may entablado at bahagi ng aliw para sa mga nagpipiknik ang panonood ng konsiyerto at ibang pagtatanghal. May mga Linggo din na dumadayo ang mga kadete ng Philippine Military Academy upang magtanghal ng martsa at parada sa malaking laruan ng futbol.

Sa Parkeng Burnham din idinadaos ang programang pambukás ng bantog na ngayong taunang Panagbenga. Tinatandaan din ito sa kasaysayan dahil ito ang naging pansamantalang silungan at kampo ng mga biktima ng malakas na lindol noong mga taóng 1990. (VSA)

 

Cite this article as: Párkeng Búrnham. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/parkeng-burnham/