paríkparík
Ang paríkparík o mánunúbing ay maliit na ibon, may marikit na balahibo, malaki ang ulo na may mahabà at nakakurbang tuka, at nanginginain ng kulisap. May pan-galang siyentipiko ito na Merops philippinus at kabilang sa pamilya ng mga Aves na Meropidae. Tinatawag din itong bee-eater sa Ingles at “míliwpíliw,” “piríkpirík,” at “purúkpurúk” sa iba’t ibang panig ng Filipinas. Karaniwang berde ang balahibo nitó samanta-lang may tagpi-tagping asul sa bandang ulunan at buntot, dilaw at kayumanggi sa bahaging lalamunan, at itim ang nakakúrbang tuka. May habà itong 23 hanggang 26 na sentimentro.
Isang ibon na migratoryo o palipatlipat ng tirahan ang paríkparík, at namumuhay sa mga bansang subtropiko, mula sa mga palayan hanggang sa mga parke. Madalas itong matagpuang malapit sa malalaking lawas na tubigan. Mga insektong tulad ng bubuyog, tutubi at putaktí ang karaniwan nitóng kinakain. Madalas na kumakain at humahápon nang sáma-sáma o pangkat-pangkat ang mga paríkparík. Itinuturing na laganap at sapat ang bilang ng paríkparík sa mundo kayâ’t hindi pinangangambahan ang panganib ng pagkalipol ng mga ito sa kasalukuyan. (ECS) ed VSA