Parián
Tinatawag na Parián ang lugar sa may baybayin ng Ilog Pasig na naging tirahan ng mga manggagawa at mangangalakal na Chino sa pahintulot ni Gobernador-Heneral Gonzalo Ronquillo. Sa isang lumang bokabularyo, nakasaad na ang “parian” ay isang plaza o bukás na pook na ginagamit para sa pagbili at pagbibili ng paninda. Itinalaga ang nasabing lugar para sa mga Chino dahil sa pangamba ng mga Español na ang dumaraming mga Chino na namamalagi sa Maynila ay mag-aklas laban sa kanila kasama ang mga Filipino.
Itinayô ang unang Parian noong 1581 at matapos ng dalawang taón ay inilipat ito sa dating Jardin Botanico(ngayo’y Mehan Garden). Binubuo ito ng siyam na bloke ng mga tinadahan sa may silangang bukana ng Intramuros at hilagang bahagi ng Pasig. Palaging may kanyon mula sa Intramuros na nakatutok sa nasabing lugar bilang paniniguro at paghahanda ng mga Español sakali mang mag-aklas ang mga Chino. Lahat ng mga Chino na nais magtinda ng kanilang produkto sa Intramuros ay kailangang dumaan sa Puerta del Parian.
Ang Parian ang naging pangunahing merkado ng mga Chino. Daan-daang mga negosyo ang nakatayô dito na nagbebenta ng iba’t ibang produkto gaya ng telang seda, gamot at pagkain, at serbisiyo tulad ng pagsasatre, pagaaalahas at pagpipinta. Hindi naglaon, ang Parian ang naging pangunahing pinagmumulan ng mga produkto na inaangkat ng mga mangangalakal na Español na kalahok sa Kalakalang Galeon at dinadala sa Acapulco, Mexico.
Ang unang Parian ay itinayô noong 1581 o 1583. Ilang ulit din itong nasunog—noong 1588, 1597, 1603, 1629, 1639, at 1642. Ang hulíng pagkasunog ng Parian ay naganap noong 1869. Pagkatapos nitó ay pinahintulutan na ang mga Chino na manirahan sa mga pook kagaya ng Binondo, Santa Cruz, at San Nicolas. (MBL)