Quintin B. Paredes
(9 Setyembre 1884–30 Enero 1973)
Si Quintin B. Paredes (Kin·tín Pa·ré·des) ay isang abogado, politiko, at estadista noong Komonwelt at panahon ng pananakop ng Japanese.
Isinilang siyá noong 9 Setyembre1884 sa Bangued, Abra kina Juan Felix Paredes at Regine Babila. Nag-aral siyá sa eskuwelahang itinatag ng kaniyang ama, pagkaraan, sa Colegio Seminario de Vigan at Colegio de San Juan de Letran. Noong 1902, nagsilbi siyáng katulong na tesorerong panlalawigan ng Abra. Nagbitiw siyá sa naturang katungkulan upang mag- aral ng abogasya.
Nang makapasá siyá sa bar examination noong 1906, sunod-sunod na ang kaniyang legal at politikal na karera: deputy fiscal sa Lungsod Maynila noong 1908; piskal ng Maynila noong 1916; miyembro ng Bureau of Justice noong 1917; attorney general noong 1918; miyembro ng unang parliamentary mission sa Estados Unidos noong1919; at kalihim ng katarungan noong 1920. Nahalal siya sa kongreso bilang kinatawan ng Abra noong 1925, 1928, 1931, at 1934. Nahalal siyá sa Philippine Assembly noong 1935 ngunit nagbitiw siyá upang maging Filipino Resident Commissioner sa Washington DC noong 1936. Nang magbalik sa bansa noong 1938, nahalal muli siyá sa Philippine Assembly at naging majority floor leader nitó. Nahalal din siyáng senador noong 1941–1945. Isa siyá sa mga nakipagnegosasyon sa mga opisyal na Japanese nang sakupin ang Filipinas. Nais ni Lt. Heneral Maeda Toshinari noon na makipagtulungan ang mga lider na Filipino sa Japan upang mapanumbalik ang kaayusan ang sitwasyon sa bansa, at gumawa ang mga lider ng isang pamahalaang sasailalim sa kapangyarihang Japanese at manunumpa ng katapatan sa Imperial Army.
Nang matapos ang giyera, nagtungo siyá sa Japan kasáma ang ibang lider ng bansa upang makaiwas sa paghúli ng mga Americano. Napagbintangan silá ng collaboration at treason, at isinailalim sa isang paglilitis nang magbalik sa bansa. Noong 28 Enero 1948, binigyan silá ni Presidente Manuel Roxas ng amnestiya. Muling naging aktibo sa politika si Paredes: naging senador noong 1949 at 1955; naging Pangulo ng Senado; at miyembro ng Philippine economic mission sa Estados Unidos.
Nagretiro siyá sa serbisyo noong 1963, at naging presidente ng General Bank and Trust Company. Namatay siya noong 30 Enero 1973. (KLL)