Pansol

Ang Pansól ay isang popular na pook bakasyunan sa bayan ng Calamba, lalawigan ng Laguna sa katimugang Luzon. Tanyag ang Barangay Pansol, pati ang katabing Barangay Bucal, sa kanilang mga hot spring resort na laging dinadayo ng mga turista mula sa napakalapit na Metro Manila. Hindi ito nakapagtataká sapagkat nakatirik ang Calamba sa hilagang dalisdis ng Bundok Makiling, na isang natutulog na bulkan, at dito hinuhugot ang init na ginagamit sa mga resort.

May mahigit-kumulang 600 resort sa Pansol at mga katabing pamayanan, at ito ang pinagbatayan ng pa-layaw ng Calamba bilang “Kabesera ng mga Resort ng Filipinas.” May iilang malalaking resort na kompleto pa sa mahahabà at nagtataasang dausdusan o slide, ngunit karamihan sa mga ito ay mga bahay na may sariling pribadong swimming pool na inuupahan maghapon o magdamag. Patok ang mga hot spring dahil inaasahang naglalaman ng mga mineral na sinasabing nakatutulong sa pagpapagalíng ng iba’t ibang karamdaman, tulad ng sakit sa balát at rayuma. (PKJ)

 

 

Cite this article as: Pansol. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/pansol/